Thursday, August 27, 2009

Tita Cory: Ang Babaeng may Laban

Mahirap para sa isang ginang na sumabak sa politika kung saan ay makakaharap niya ang isang batikang politiko na kasalukoyang naka-upo sa posisyong kanyang tatakbuhan. Higit sa lahat kung wala siyang karanasang pampolitika.
Iba ang imaheng bumungad sa madla ng simpleng may bahay ni dating Senador Ninoy Aquino na si Corazon Cojuangco Aquino o kilala bilang “Tita Cory” nang tanggapin niya ang hamong labanan ang diktador na si Marcos. Sa suportang ibinigay ng sambayanang pilipino, nabigyang tuldok ang gahaman at mapang-aping pamahalaang Martial Law ni Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng isang People Power.

Nahalal si tita Cory bilang kaunaunahang babaeng presidente hindi lamang dito sa Pilipinas maging sa buong Asya. Nagkamit siya ng papuri't suporta mula sa iba't ibang panig ng daigdig. Maraming humanga sa kanyang katapangan lalong-lalo na ang kongreso ng America. Sa katunayan nga ay naging inspirasyon siya ng ibang bansa na lumaban para sa kanilang karapatan at kapayapaan. Kinilala bilang maka-Diyos na lider ng simbahang Katolika at maging man ng ibang sekta.

Sa walang pag-aalinlangan, hinarap niya ang kanyang responsibilidad bilang pangulo. Pangulong hindi nag-aatubiling magtanong at kumunsulta sa mga bagay na hindi niya alam. Isang pinuno na pinapanatili ang kapayapaan at katahimikan ng sambayanan.
Sa aspeto ng ekonomiya, isinaayos niya ang proseso ng kalakalaan sa tulong ng kanyang mga gabay. Ibinalik niya ang mga naisinarang establisyemento gaya na lang ng ABS-CBN. Binuhay niya ang pag-asa sa bawat mamamayang pilipino na mamuhay ng masagana't matiwasay.

Maging sa larangan ng pagbuo ng batas, inamendahan niya ang isang bago at mas matibay na konstitusyon ng ating bansa noong 1987 kasama ang kongreso. Bagamat hindi perpekto ang kanyang pamamahala at may mga coup o pag-aaalsa laban sa kanyang administrasyon ay walang takot niya itong hinarap at sinulusyonan. Hindi siya gumamit ng dahas upang masugpo ang sino mang may gustong magpababa sa kanya sa pwestong kinauupuan. Hindi hamak na malaki ang kanyang ipinagkaiba sa lahat ng naging pangulo.

Sa panahong matatapos na ang kanyang termino, sinabi niya na walang sino man ang makakaagaw pa sa tinatamo nating demokrasya. Isinuguro niyang magiging maayos ang eleksyong magaganap. Inindurso pa nga niya ang isang tapat na kaalyado ng kanyang administrasyon na si Fidel Ramos bilang presidente na siya ring nanalo.
Kahit na maraming bagay ang kanyang inaasikaso sa mga panahong iyon, hindi niya pinabayaan ang kanyang mga anak. Tulad ng kanyang pag-aaruga at pagmamahal sa sambayanan, ipinadama niya rin ito sa kanila. Ipinakita na magagampanan niya ang mga responsibilidad niya sa kanyang pamilya .

Kahit wala na siya sa panunungkulan, marami paring hamon ng buhay ang kanyang nilabanan. Gaya na lamang ng mga kritisismo at mga panlalait ng mga nakatunggali sa politika. Ngunit ang pinakahuli rito ay ang kanyang sarili. Ang pagkakaroon ng kanser sa kolon ang bumago sa takbo ng buhay niya. Matindi ang sakit na siyang nilabanan ng kanyang katawan. Dumaan siya sa iba't ibang klaseng proseso ng gamotan na lubhang mahirap para sa isang may edad na gaya niya. Sa kanyang laban, naririyan parin ang kanyang mga tagasuporta at mga kaaliyado. Ang sambayanang pilipino ay sabay-sabay na nagdasal para sa kanyang madaliang paggaling . Ngunit sa bandang huli ay pumanaw siya. Pumanaw nang may galak sa puso't isipan ayon sa kanyang mga anak.

Hagulgol, iyak at lungkot ang naramdaman ng buong bansa sa mga panahong iyon. Nakikidalamhati sa kanyang paglisan. Sinariwa ang kanyang kabutihan at kontribusyon para sa inang bayan.

Yumao na nga ang ating tita Cory ngunit ang kanyang nagawa sa ating bayan ay nakamarka na sa ating kasaysayan. Kasaysayang bumago sa ating lipunan at buhay. Wala na nga ang babaeng may lumaban, pero hindi ito nangangahulugang wala narin ang demokrasya ng bayan. Magpapatuloy ang laban nang lahing pilipino kasama ang pangulong nagbigay kahulugan sa kulay na dilaw. Ang tumayo at nagpakita ng tatag at kabutihan sa buong santinakpan.

No comments:

Post a Comment