Thursday, August 27, 2009

Mr. Torpeng Tanga

Heto na naman ako, nakatunganga't hindi alam kung ano ang gagawin. Pinipilit ang sariling makapag-isip ng hakbang para mawala sa isipan ang problemang hinaharap. Sa mga oras na ito'y hawak-hawak ko na naman ang telepono. Nagnanais na makausap ang taong makakapawi sa lungkot at pangungulilang nadarama, ngunit 'di ko man lang mapindot-pindot ang numerong nakasulat sa papel na nakadikit sa bobong. Naalala ko tuloy ang laging wika ni inay na sakit na raw kung maituturing ang katorpehan at katangahang taglay ko. Mr. TT ika nga. Torpeng Tanga. Totoo, may pinagmanahan eh. Akalain mo bang umabot pa ng dalawang taon bago ipinagtapat ni itay kay inay ang kanyang pag-ibig? Kaya walang duda kung bakit ganito nalang ako ka torpe't tanga, dahilan kung bakit nahihirapan akong magsabi at magtapat ng katotohanan.

Alas onse na ng gabi. Nakapatay na ang mga ilaw sa mga kwarto ng dormitoryong pinapasukan ko maliban sa aking silid. Hindi na yata ako matutulog. Nababagabag na kasi ako sa mumunting sigaw ng aking puso. Ewan ko ba at ganito katindi ang aking tama. Kung makikita ko lang sana si kupido, malalagot siya sa akin. Papanain ko siya sa sariling pana niya nang masubukan niyang maboang sa nakakaadik nitong mahika.

Unti-unti nang bumubuhos ang malakas na ulan kasabay ng malamig na hangin sa labas. Naririnig ko ang bawat patak nito. Wari bang nagsasabing “Hoy! Magsalita ka na nga!” at hinahamon ang katapangan ko. Hahaha... Nakakatawa, mukhang wala na man yata akong katapangan ah. Talo ko pa nga siguro ang nirarayumang mamang sumasabak sa gera. Ni hindi na ako makatayo at hindi ko na mapigilang mapaluha kapag naalala siya. Para bang nawawalan ako ng lakas.

Namimiss ko na talaga si Fritz. Siya ang puno't dulo ng aking pagkalugmok. Ang dahilan kung bakit ako balisa sa mga araw na ito. Matagal ko na siyang kaibigan simula pa noong kami'y nasa hayskul. Sikat siya sa kampus, kilala bilang matalino't magandang binbini. Pinagpapantasyahan ng mga kalalakihan. At kinaiingitan ng mga kababaihan. Siguro'y naiinsecure sila kay Fritz. Halos lahat kasi ng bagay ay nasa kanya na. Pinagpalang lubos kung maituturi.

Naalala ko tuloy, minsan ay napaaway ako para lang ipagtanggol siya. Akalain mo ba namang huhusgahan siyang mang-aagaw ng responsibilidad, malandi at epal sa lahat ng bagay ng mga pasosyal naming mga kamag-aral? Hindi siguro nila alam na lumaking mayamang may breeding si Fritz. Kaya, nakakasiguro akong hindi siya ganoong tao. Mabait siya, palakaibigan at mapagmahal sa kapwa.

Noong isang linggo lang, nagdisisyong magmigrate ang kanyang mga magulang sa Amerika para makipagsosyo. Isasama sana siya ngunit tumanggi siya. Pero nagbigay ng kondisyon ang kanyang papa. Kung hindi raw siya sasama sa kanila ay kailangan niyang tumira sa Maynila kasama ng nakakatandang kapatid niyang si Natalie na siyang nag-aasikaso sa kanilang kompanya. Wala siyang magawa kaya, ayon. Nasa Maynila na siya ngayon. Doon na siya nag-aaral. Umalis siya kamakailan lang. Ang malungkot pa diyan ay eh ni hindi na siya nagpaalam. Hindi niya naisipang hanapin ako o tumawag man lang sa bahay upang mag-iwan ng mensahe. Kaya heto, naiwan ako ditong tanga. Wala nang makakasama.

Kung hindi lang sana pumayag si Fritz sa lahat ng plano ng kanyang papa ay siguradong hindi ko mararamdaman ang ganitong circus. Hindi ako makakadama ng pangungulila't lungkot. Alam kong na namang kasalanan ko dahil torpe ako at 'di ko naipagtapat sa kanya ang aking pag-ibig. Pero, hindi naman siguro manhid si Fritz, di ba? Tsaka mukhang kami na eh. Iyon nga lang ay walang sumpaan at aminang nangyari. Pero hindi pa ba pwepweding gawing basihan na lang ang aming pag-aalala sa isa't isa? Ang aming mga lambingan at kaswitan? Ang aming pinagsamahan at sumpaan? Hay nako! Ginagago talaga ako ng panahon, ng tadhana at niyang si kupido.

Umaga na. At ako'y maghihintay nalang. Hihintayin ko na matapos ang semestre at titiyakin kong makakapunta ako sa Maynila. Susundan ko siya at ipagtatapat ko ang nararamdamang ito. Bahala na mapagalitan. Bahala na mahirapan. Basta't huwag nang mangulila at malugmok. Ayaw kong umasa sa walang basihan. M. U. nga raw kami. Iyon palay Malabong Usapan. Kailangan ko na ang tapang. Kalaingan ko ng lumaban. Ulan, makikita mo rin. Madadial ko na rin ang mga numerong nakadikit sa bobong. Hindi na ako magiging Mr. TT pa. Hindi na.

No comments:

Post a Comment